Sa umpisa’y masaya ang lahat. Atat at hindi mapaliwanag ng nakatanggap ng tawag mula sa kompanyang pinapangarap nila. Abot tenga ang tuwa, hindi mo maipaliwanag ang nararamdaman ng bawat tao.

Matapos ang isang linggong training. Opisyal na, na empleyado ang lahat ng pumasa sa nasabing training. Nung umpisa’y alas kwarto trenta ng madaling araw hanggang alas onse ng umaga ang trabaho. Nakakabitin konti sa may magagandang panaginip. Pero dahil sa excited ang lahat, SOLB!.

Anim na oras ang trabaho. Hindi na masama. Hindi na rin mabigat. Tumatanggap ka naman humigit kumulang sampung libo na sahod sa isang buwan, idagdag mo pa ang libreng pagkain na paulit-ulit lang ang kinakain mo araw-araw (kung araw-arawin mo ang manok posibleng lilipad kana matapos ang isang buwan, tutubuan ka ng papak ng sisiw)

Trabaho mo!? Kumausap ka ng mga kanong minsan maisip mo na mas BOBO pala sila. Magtatanong ka ng mga bagay na wala namang kinalaman sayo bilang isang pinoy. Pero ok lang pera na rin yun. Masasabihan ka ng “FUCKIN BULLSHIT, IDIOT, STUPID” at marami pang iba. Ok lang yun! milya naman ang layo namin.

Tumatakbo ang araw, dumadami ang nagkakaroon ng trabaho. Marami ang tumatanggap ng sahod. Marami na rin ang nababastos ng mga kano. Solb parin! Choks lang yun! Pera na rin yun!

Subalit, datapwat, ngunit nag-iba ang ikot ng mundo. Nag-iba ang ihip ng hangin. Nag-iba ang lasa ng tubig.

Mapait. Tabang. Napakaasim.

Kung gaano kabilis ang pagdami ng tao sa kompanya ganun din kabilis na nawala ang ibang empleyado matapos ang kakaganap na eleksyon sa ESTADOS UNIDOS. Ano ang nangyari!?

Maraming haka-haka. Maraming tanong. Marami ang blangko ang isip. Naguguluhan. Nagtataka. BLANGKO!

Gamitan nga ba ang nangyari!? Ginamit nga lang ba talaga ng kompanya ang ibang empleyado?! Tahimik ako. Walang kibo. Galit pero hindi maka-imik. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ganun ang nangyayari. Tinatanggal ang empleyado na hindi umaabot sa PR o “productivity rate”. Kung ano yan!? Hindi ko alam.

Alam kong may hindi tamang nangyayari sa kompanya. Alam kung hindi tama ang daan na tinatahak ng kompanya. Bumulyak ang bulkan. Napuno na ang balde. Umaapaw na ang tubig sa dram. Hindi pwedeng hindi ako kumilos. Hindi pwedeng wala akong gagawin. Pati ang mga malalapit sa akin na kasamahan ko sa trabaho ay natanggal. Hindi na pwedeng magpatuloy. Hindi na pwedeng magsaya lalo na sa buwan ng PASKO.

Ang sakit. Ang hapdi. Ang sama. Bakit hindi na lang pwedeng hintayin ang ika-anim na buwan para tuldukan kung pumasa ba sa anim na buwang pagiging probi. Bakit kailangang pang magtanggal ng tao gayong lahat naman may karapatang magkaroon ng pangalawang pagkakataon.

Ang dating ngiti sa bawat mukha ay napalitan ng galit na may halong lungkot. Animo’y payasong pinapaligaya ang sarili.

Sa tuwing may nakikita akong bagong nag-aaply sa kompanyang pinapasukan ko. Iisa nalang ang nasasabi ko sarili. HAHAY! MAY BAGONG BIKTIMA NA NAMAN ANG KOMPANYA.

Ngayon kung magtatanong ka kung saan ang daan patungo sa kompanyang ito. Subukan mong dumaan sa KANLURANG ANO. Yung ano nga! Yung ano—– yung ewan ko!?